Ayon sa nakalap na impormasyon, gustong iparamdam ng kilusan sa military at pulisya na malakas pa rin ang kanilang puwersa at magpapatuloy ang kanilang aktibidad kahit Pasko.
Kinilala ang mga biktima na sina Reynard Bolanos, David Elquero, Nestor de Luna at Brian Nicolas na pawang mga residente ng Brgy. Sawangca Bagon District, Sorsogon City at nakatalaga sa 6th Sorsogon CAA Company ng 2nd Infantry Batallion sa naturang lugar.
Nabatid na ang mga biktima ay sabay-sabay na nagbakasyon upang magdiwang ng Pasko kasama ang kanilang mga pamilya at iniwan ang kanilang mga armas sa kanilang kampo.
Batay sa ulat na nakarating kay Bicol Police Chief P/Supt. Rodolfo Tor, isa-isang dinukot sa kanilang mga bahay ang apat na biktima ng tinatayang 10 rebelde na pawang armado ng M16 at M14 rifles.
Isang nakilalang "Ka Fred" ang napag-alamang lider ng grupo na dumukot at pumatay sa mga biktima.
Ang mga bangkay ay natagpuan dakong ala-una ng madaling araw sa ilalim ng Manlanbong bridge sa Prieto Diaz, na nakatali ang mga kamay at tadtad ng tama ng mga bala ng baril sa ulo at katawan.
Isang manhunt operation na ang isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng 2IB ng Phil. Army at Prieto Diaz PNP upang tugisin ang mga rebelde na tumakas matapos ang pamamaslang. (Ulat nina Ed Casulla at Danilo Garcia)