Sinabi ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa pagdinig ng House committee on versight na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda na kinakailangang magpalabas ang pamahalaan ng P50 bilyon upang maipatupad ang mga naipasang batas.
Inihayag ni Bernabe Abalos, department manager ng National Irrigation Administration (NIA) na mangangailangan ng P26.5 bilyon ang ahensya para lamang sa pagtatayo at rehabilitasyon ng communal irrigation system na nakasaad sa Republic Act (RA) No. 6978.
Ayon sa nasabing batas, kinakailangan ang mabilisang konstruksyon ng proyektong irigasyon upang mapaunlad ang agrikultura ng bansa.
Sinabi ni Salceda na problema ng mga lokal na pamahalaan ang paghahanap ng pondo sa konstruksyon habang ang NIA naman ang magiging umpukan ng salapi.
Problema rin ang implementasyon ng Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) o R.A. 8435 na may inisyal na pondo ng P20 bilyon.
Ayon kay DA Asst. Sec. Segfredo Serrano, ang malaking suliranin sa pondo ang nagsisilbing hadlang upang makasabay ang sektor ng agrikultura sa modernisasyon. (Ulat ni Malou R. Escudero)