Sa isinagawang pagdinig ng House committee on appropriations bago mag-recess ang Kongreso, inamin ni Justice Secretary Hernando Perez na dahil sa pagkawala ng pondo ay mapaparalisa ang mga programa ng rape victim at early childhood development.
Ang budget ng DOJ ay binawasan ng 27 porsiyento, mula sa P6.66 bilyon ito ay naging P4.79 bilyon at isa sa naapektuhan ay ang budget para sa mga rape victim.
Kabilang sa mga masasakripisyong programa ng DOJ ay ang pagtatatag ng rape crisis center sa ibat ibang panig ng bansa at ang pagtatayo ng national system for early childhood.
Kasama sa mga pagkakagastusan ng DOJ sa ilalim ng P804.2 bilyon General Appropriations Act 2003 ay ang P400 milyon para sa pagtatayo ng Manila Hall of Justice, P84 milyon para sa Witness Protection Program at P20 milyon para sa Victims Compensation Program. (Ulat ni Malou Escudero)