Sampu sa 11 namatay ay nakilalang sina Manuel Sevilla, 10 anyos; Annalie Valdez, Corazon Osorio, Gerry Dumlao, Edgar Comahig, Usman at Ali Ampaso, Novelyn Tesoro, Raff John Ubid at isang sundalo na natukoy sa pangalang Delfin Uson na kabilang sa Armys Special Forces Unit.
Samantala ang isa na hindi pa nakilala ay lalaki, umeedad ng 30, mahaba ang buhok naka-maong at puting t-shirt.
Sa pahayag ng driver na si Joey Padernal, habang dumadaan sa kurbadong kalsada sa bahagi ng Antipas-Kidapawan City highway sa Barangay Loong ay napansin nito na ayaw kumagat ng preno.
Sa pangambang magtuluy-tuloy pababa ang jeepney ay tinangkang mapahinto ni Padernal ang sasakyan kaya kanya itong ibinangga sa isang malaking bato, subalit sa halip na tumigil ay bumaligtad ang jeepney.
Karamihan sa mga namatay ay nagtamo ng matitinding mga sugat sa ulo nang magtalunan ang mga ito palabas ng jeep habang gumegewang ang sasakyan pababa sa kurbadong daan.
Samantala agad namang isinugod sa ibat ibang ospital ang mga sugatan na karamihan ay matatandang babae.
Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple physical injuries ang driver. (Ulat ni John Unson)