Ito ang tinuran ng malalaking OFW organizations patungkol sa "red-carpet welcome" program ng pamahalaang Arroyo sa OFWs ngayong kapaskuhan.
Sinabi ni John Bautista, spokesperson ng OFW Movement, puro kaplastikan lamang ang red-carpet welcome program na ito ng gobyerno para sa mga OFW.
Ipinaliwanag ni Bautista na hindi ito ang inaasahan ng may 100,000 OFWs na uuwi ngayong Pasko, kundi ang isang makabuluhang programa na tutugon sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa sa ibang bansa gaya ng karagdagang medical benefits at legal assistance.
Sa ilang panayam sa mga nagdatingang OFWs, sinabi ng mga ito na hindi nila kailangan ang ganitong pasalubong kundi ang seguridad sa kanilang estado sa kanilang pinapasukan at isang tunay na maka-OFW na OWWA sa puso, sa diwa at pagkatao.
Sinabi naman ni Samahan ng mga Manggagawang Pilipino sa Ibayong Dagat (SAMPID) president Rudy Elix na mas mabuti pa sana umano kung ginamit na lamang ng gobyerno ang pondo nito sa red-carpet welcome sa paglutas ng mga nakabinbing kaso ng may libong OFWs sa ibayong dagat nang sa gayon makapiling ng mga ito ang kani-kanilang pamilya ngayong Pasko.
Ayon pa kay Elix, kung talagang sinsero ang pamahalaang Arroyo na tulungan ang libu-libong OFWs dapat ay isang galing sa hanay nila ang ilagay nito bilang administrator ng OWWA na matagal na nilang inaasahan. (Ulat ni Jhay Quejada)