Isang resolusyon ang ipinasa sa Kongreso na pinangunahan nina Reps. Maria Teresa Defensor ng Quezon City, Del de Guzman ng Marikina at Joel Villanueva ng CIBAC para sa kagyat na pagsuspinde sa rate rebasing ng Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Corporation.
Hinihiling ng tatlong mambabatas ang pagbuo ng isang inter-agency task force na siyang susuri sa pagrebisa ng Amendment No. 1 na siyang nagbigay kapangyarihan sa dalawang water concessionaries na magtaas ng singil sa tubig kada-taon.
Ayon kay Akbayan Congw. Loretta Ann Rosales, nasa kamay ni Pangulong Arroyo ang pagpapatigil ng implementasyon ng Amendment No. 1 dahil katulad ng ginawa ng Pangulo sa independent power producers maaari naming pag-aralan ng gobyerno ang mga kabutihan at kasamaan ng naturang amyenda sa orihinal na kontrata.
Aniya, masyadong malayo ang itataas ng singil sa tubig simula sa susunod na taon kumpara sa ibiniding ng dalawang concessionaries.
Nakatakdang idulog ngayon ng mga mambabatas ang kanilang resolusyon kay Pangulong Arroyo sa isang hapunan sa Malacañang. (Ulat ni Angie dela Cruz)