Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na walang katotohanan ang ipinangangalandakan ni Jimenez na tiyak na hindi makakabalik sa puwesto si Perez.
Reaksiyon ito ng Palasyo matapos palitawin ni Jimenez na sinabi ng Pangulo na tuluyang maaalis na sa tungkulin si Perez at hindi na makakabalik sa DOJ.
Nilinaw ni Bunye na walang binibitiwang commitment ang Pangulo sa pakikipag-usap kay Jimenez.
Samantala, desidido ang Malacañang na ipaaresto si Jimenez kahit wala pang sine die adjournment ng Kongreso.
Sinalungat ng Malacañang ang posisyon ng liderato ng Kamara na maaari lamang ipaaresto at ipadeport si Jimenez kapag nagkaroon na ng sine die adjournment ang Kongreso sa Hunyo ng susunod na taon.
Sinabi ni Bunye na ang desisyon ng Korte Suprema na ipawalambisa ang piyansa ni Jimenez ay malinaw na indikasyon na inaalis na lahat ng restrictions upang umusad ang extradition case na kinakaharap ng mambabatas.
Ipinaliwanag ni Bunye na ang posisyon ng Malacañang ay puwedeng ipatupad ang arrest order sa Christmas break ng Kongreso laban sa kongresista. (Ulat ni Ely Saludar)