Sa pahayag ni Bayan Muna Rep. Liza Maza, ipinapakita lamang ng Malacañang na ang pagkiling nito sa kahilingan ni Erap ay para sa interes nito sa halalan.
Maari anyang nababahala na ang administrasyon sa mga lumalabas na survey kung saan pumapang-apat na lamang ang Pangulo sa mga maaaring manalo sa pagka-pangulo.
Hindi aniya nakakagulat na pumosisyon ang Pangulo pabor sa interes ni Estrada dahil maaaring nais lamang nitong lumambot ang oposisyon at makuha sa kanyang panig ang mga sumusuporta sa dating pangulo.
Idinagdag rin ni Maza na ang mga petisyon para sa house arrest at pansamantalang paglaya ng mag-amang Estrada ay nakapagpabagal lamang sa paglilitis na isinasagawa ng Sandiganbayan.
Halos lahat anya ng okasyon sa kalendaryo ay ginamit ng depensa upang magpetisyon para makauwi ang mag-amang Estrada. "Malinaw itong delaying tactics sa bahagi nila," ani Maza.
Binatikos rin ng mambabatas si Housing Secretary Mike Defensor sa pahayag nitong handang suportahan ni Arroyo ang house arrest.
Nangangamba ang kongresista na ang pahayag ni Defensor ay maka-impluwensiya sa magiging desisyon ng Sandiganbayan sa petisyon.
Samantala, inatasan na ni Pangulong Arroyo si DSWD Sec. Dinky Soliman na pangasiwaan ang konsultasyon sa ibat ibang sektor hinggil sa panukalang house arrest.
Bagaman ang Pangulo at iba pang miyembro ng Gabinete ay bukas sa usaping ito, kailangan pa ring kunin ang pulso ng ibat ibang sektor ng lipunan partikular ang civil society groups. (Ulat nina Malou Escudero/Lilia Tolentino)