Senador Agimat lumabas na sa ospital

Lumabas na kahapon sa ospital si Senator Ramon Revilla Sr. matapos itong dumanas ng dalawang beses na mild stroke kamakailan.

Ayon kay Senator Robert Jaworski,ligtas na ang kanyang biyenan matapos itong payagan ng mga doktor sa Asian Hospital and Medical Center na makalabas ng pagamutan.

Sinabi ni Jaworski, parang walang nangyari sa kanyang biyenan na nakuha pang magbiro sa kanyang mga doktor na payagan siyang muling makapagsabong kahit pasamahan siya sa dalawang nurse.

Laking gulat din ng mga doktor sa mabilis na recovery ni Revilla matapos itong makaranas ng 2 mild stroke dahil sa sobrang pagod nang mag-host ng international derby sa Bacoor cockpit arena sa kanyang lugar.

Magugunita na matagumpay na sumailalim si Revilla,kilala bilang Agimat ng Masa sa twin operation ng kanyang spinal vertebrae sa Standford University Medical Center sa Estados Unidos nitong Abril subalit nagkaroon ng komplikasyon sa kanyang vocal chord kaya’t hirap itong magsalita.(Ulat ni Rudy Andal)

Show comments