Lumusot ang General Appropriations Act (GAA) 2003 matapos magsagawa ang Kamara ng magdamagang sesyon na nagsimula noong Martes ng hapon at natapos kahapon ng alas-8 ng umaga.
Inaasahang lulusot na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo upang masigurong magiging isang ganap na batas ito bago matapos ang taon at maiwasang magamit muli ang kasalukuyang P708.8 billion GAA 2002.
Pumabor si Minority Leader Carlos Padilla na panatilihin ang pambansang budget ng walang bawas na taliwas sa unang pahayag nitong tatapyasan ng apat hanggang limang bilyong piso.
Ayon kay Padilla, ipinauubaya na niya sa House committee on appropriations ang pagbawas sa budget sa pagsasailalim nito sa period of amendments bago pumasa sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Ang mga sumusunod na ahensiya ng gobyerno ang makakakuha ng pinakamalaking alokasyon: DepEd at School Building Program, P106.4B; DPWH, P51.6B; DILG, P44.5B; Defense, P42.5B; Agriculture at Agriculture and Fisheries Modernization Act, P18.9B; State Universities and Colleges, P16.8B; Health, P11.4B; DOTC, P9.9B at Judiciary, P7.6B. (Ulat ni Malou Escudero)