Kinilala ang biktimang si Jean Abalos, 32, dalaga, anak ni Don Pepe Abalos, may-ari ng mga lumberyards sa lugar na ito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 6:30 ng gabi ay pauwi na ang biktima sa kanilang bahay sa Arvin st., Brgy. Pansol at sakay ng kanyang kotseng Mercedez Benz na may plakang NPJ-724. Lingid sa kanya ay inaabangan na pala siya ng mga suspek na lulan naman ng isang gray Lancer na walang plaka sa kanto ng Arvin st.
Nagduda ang dalaga na kikidnapin siya kaya binangga ng biktima ang kotse ng mga ito at agad umatras para tumakas. Subalit habang nagmamaniobra ay bumangga ang kotse nito sa pader na nagbigay ng pagkakataon sa mga suspek para pagbabarilin ang kanyang sasakyan.
Dead-on-the-spot ang biktima na nagtamo ng anim na tama ng bala habang nagtangka namang humarurot patakas ang mga salarin, subalit nalubog sa isang putik ang kotse kaya napilitang abandonahin ang sasakyan.
Isang dumadaang pampasaherong jeep ang pinara ng mga suspek at inarkila para hilahin ang get-away car.
Sa isang follow-up operation, isa sa apat na suspek na kinilalang si PO1 Roger Abulencia, 31, ang naaresto ng mga tauhan ni Supt. Generoso Calderon, Calamba police chief, habang sumuko naman si PO1 Obet Onte.
Isang manhunt operation na ang iniutos sa dalawa pa na kinilalang sina PO1 Armando Macaraeg at isang PO1 Arde. Ang mga suspek ay pawang nakatalaga sa Regional Mobile Group sa Calabarzon area.
Narekober ang inabandonang get-away car na pag-aari ni Macaraeg at mga basyo ng bala ng kalibre .9mm at .45 baril.
Kasong murder ang nakatakdang isampa laban sa mga pulis.(Ulat nina Ed Amoroso at Rene Alviar)