Sen. Revilla 2 beses na-stroke

Inoobserbahan ngayon sa intensive care unit (ICU) ng Asian Hospital and Medical Center si Senator Ramon Revilla Sr. matapos ma-stroke ng dalawang beses kahapon dahil sa sobrang pagod mula sa pagho-host ng international cock derby sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay Video Regulatory Board chairman Bong Revilla, pasado alas-9 ng umaga kahapon ng unang atakihin ng mild stroke ang senador kaya isinugod kaagad sa Makati Medical Center pero inilipat din sa Asian hospital.

Nanigas at namanhid umano ang mga kamay nito at umurong ang dila at nagreklamong nahihirapan huminga.

Habang nasa Asian hospital ay muli itong dumanas ng pangalawang mild stroke bandang ala-una ng hapon na tumagal ng 25 minuto kung saan ay hindi na nila ito makausap.

Ipinaliwanag ni Bong na normal naman ang puso ng kanyang ama matapos itong eksaminin ng mga doktor pero mayroon lamang kaunting pamamaga sa veins ng kanyang utak sanhi ng atake.

Sinabi ni Bong na napagod marahil ang kanyang ama dahil madaling-araw na itong umuwi mula sa pagho-host ng derby.

Bagaman ligtas na sa panganib si Sen. Revilla ay mananatili pa rin ito sa ICU para malaman ang sanhi ng kanyang paulit-ulit na atake at para masuri ng husto ng kanyang cardiologists.

Wala pang ideya kung hanggang kailan sa ospital ang senador. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments