Ayon kay DOJ acting Secretary Merceditas Gutierrez, nakipag-ugnayan na siya kay NBI Director Reynaldo Wycoco para sa gagawing pagdakip kay Jimenez dahil napaulat na ilalabas na ng Supreme Court (SC) ang hatol sa kongresista sa nalalapit na kapaskuhan.
Naniniwala si Gutierrez na hindi magbabago ng posisyon ang SC kaya tiyak na ang kanselasyon sa piyansa ni Jimenez kaya kaagad na itong aarestuhin at idederetso sa NBI jail kasama ang iba pang akusado na mayroon ding extradition case.
Nabatid na ilalabas na ng SC ang hatol nito sa bail hearing case ni Jimenez sa sandaling isagawa ng Korte ang kanilang en banc session.
Sinabi naman ni Gutierrez na personal niyang hinahawakan ang pag-uusig sa extradition case ng kongresista sa Manila Regional Trial Court (RTC) at sa SC, subalit inamin nito na sa kasalukuyan ang kinakaharap nitong problema ay ang posibilidad na gawing sanktuaryo ni Jimenez ang Kongreso upang hindi ito maaresto.
Nakasaad sa Article 6 Section 11 ng saligang batas na ang isang senador o kongresista ay hindi maaring arestuhin habang isinasagawa ang sesyon kung ang kasong kinakaharap nito ay hindi hihigit sa anim na taong pagkabilanggo.
Subalit nilinaw ng Mataas na Hukuman na ang extradition case ay hindi isang kasong sibil o kriminal kaya hindi matiyak kung maaring gamiting depensa ni Jimenez ang nasabing batas.(Ulat ni Gemma Amargo)