Japanese investors liligawan ni GMA

TOKYO, Japan via PLDT - Sisikapin ni Pangulong Arroyo na makumbinsi ang mga Japanese investors na magnegosyo sa bansa upang mapasigla ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa kanyang state visit dito, sinabi ng Pangulo na hihimukin niya ang pamahalaang Hapon na alisin ang negatibong travel advisory laban sa Pilipinas para masagip ang patuloy na bumabagsak na bilang ng mga turistang Hapon na dumarating sa ating bansa.

Ito’y sa dahilang nananatiling nasa listahan ng Japan Ministry of Foreign Affairs ang Pilipinas sa travel advisory alert level na siyang nagpapabawas sa mga turista na magtungo sa ating bansa.

Pinuna ng Pangulo na bumagsak ng halos 75 porsiyento ang puhunan na inilagak ng mga negosyanteng Hapon sa Pilipinas sa nakalipas na 5 taon.

Batay sa talaan ng Philippine Board of Investments, lumitaw na umabot lamang sa 32.7 milyong dolyar na halaga ng negosyo ang inilagak ng mga Hapones sa bansa noong 2001 kumpara sa 126.2 milyong dolyar noong 1997.

Sa kabila nito, hindi naman naalarma ang Japan sa pansamantalang pagsasara ng mga embahada at inihayag na hindi nila isasara ang kanilang embassy sa Pilipinas. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments