Kinilala ni Cavite police chief, Sr. Supt. Roberto Rosales ang mga naarestong suspek na sina PO1s Lito Liao, Benjamin Del Rosario at PO2 Larry Agui pawang mga aktibo at nakatalaga sa Criminal Investigation Group sa Cavite Provincial Police Office.
Ang masuwerteng mag-asawang biktima na nailigtas ay nakilalang sina Akihiro Mamiya, 42, Japanese national, promotion manager at asawang si Eliza, 32, negosyante at nakatira sa Brgy. Yakal, Silang, Cavite.
Sa ulat na ibinigay kay Rosales,dakong alas-4:30 ng hapon nang harangin ng tatlong pulis kasama ang dalawang sibilyan na nakilala lamang sa alyas na Boyong at Bernie ang kotse ng mag-asawa sa Brgy. Bulihan, Silang, Cavite.
Sinabi ng mga suspek na ang mag-asawa ay nasa drug watchlist at sila ay inaaresto dahil sangkot sa drug trafficking.
Ayaw maniwala ang mag-asawa dahil wala namang maipakitang warrant of arrrest ang mga pulis na sapilitang sumakay sa Mitsubishi Galant (TFC-361) na pag-aari ng mag-asawa at pinasibad habang ang mga sibilyang suspek na sina Boyong at Bernie ay sakay naman ng motorsiklo na walang plaka.
Ang pagdukot sa mag-asawa ay nasaksihan ng ilang residente na siyang nag-report sa Silang PNP station na tumawag naman sa Provincial Investigation and Intelligence Bureau (PIIB) sa ilalim ng pamumuno ni C/Insp. Rhodel Sarmonia na mabilis na nagsagawa ng dragnet operation sa posibleng daraanan ng mga suspek.
Dakong alas-8 ng gabi ay naharang ng Bacoor Police ang sasakyan ng mga pulis kasama ang mag-asawa sa kahabaan ng Molino, Brgy. Salawag, Bacoor, Cavite.
Sa pahayag ng mag-asawa sa pulisya, habang sila ay nasa loob ng sasakyan ay hinihingan sila ng mga suspek ng pantubos na P500,000 para sila ay mapalaya.
Tumawad ang mag-asawa sa mga pulis at nagkasundo sa halagang P30,000 at nakatakda na sanang pakawalan ang babae para kunin ang pera sa may Pag-asa nang sila ay maaresto ng mga pulis.
Samantala, patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawang sibilyan habang ang tatlong pulis ay kinasuhan ng abduction, extortion at carnapping. (Ulat ni Ed Amoroso)