Matapos ang ilang ulit na denial sa napipintong Cabinet revamp, itinuloy ng Pangulo ang pagbalasa at dalawa agad sa kanyang 20 Department Secretaries ang naapektuhan.
Ang announcement ay ginawa sa isang talumpati sa pagdiriwang ng National Heroes Day at anibersaryo ng kaarawan ni Andres Bonifacio sa ceremonial hall ng Malacañang.
Bagaman dalawa pa lang miyembro ng Gabinete ang pinalitan ng Pangulo, nabatid sa isang source sa Palasyo na may kasunod ang naturang pagbalasa kaugnay na rin ng isinusulong na "strong republic" ng Pangulo.
Mayroon na anyang "short list" na naisumite sa Presidente base sa pagrerepasong ginawa ng isang komite.
Gayunman, sinabi ng naturang impormante na nasa Pangulo ang pagpapasya kung sinu-sino ang dapat palitan at kung kailan gagawin ang pag-aanunsiyo.
Kabilang sa hinihinalang susunod na mapapaalis ay sina Justice Secretary Hernando Perez, Finance Secretary Isidro Camacho at DILG Secretary Jose Lina.
Si Perez ay binigyan ng Pangulo ng 30-day leave of absence para ayusin ang $2-M extortion charges sa kanya ni Manila Rep. Mark Jimenez, habang si Lina ay nasa balag rin ng alanganin matapos mangako na magre-resign sa Gabinete kapag nabigo itong masugpo ang jueteng operations sa bansa.
Si Camacho naman na nauna nang nagsumite ng kanyang courtesy resignation ay iniulat na gusto na ring kumalas sa gobyerno at bumalik na lamang sa private sector bilang investment-banker. Siya rin ay sentro ng pagbatikos dahil sa budget deficit ng bansa dulot ng pagbaba ng tax collection.
Simula sa Disyembre 15, si Elisea "Beth" Gozun na dating DENR assistant secretary noong panahon ni dating Pangulong Ramos, ang makakapalit ni Alvarez, habang itinalaga bilang bagong Agriculture Secretary si Luis "Chito" Lorenzo.
Sinabi ng Pangulo na inilagay niya si Lorenzo sa DA para puspusang maipatupad ang modernisasyon ng agri-business.
Si Gozun naman na ekspertong environmentalist ang ganap na magpapatupad ng mga programa sa proteksiyon ng kapaligiran.
Samantala, nag-walk-out kahapon ang pinatalsik na si Agriculture Sec. Montemayor matapos malaman na isa siya sa dalawang iaanunsiyong sisibakin sa puwesto ng Pangulo.
Masama ang loob na umalis si Montemayor sa ceremonial hall dahil hindi man lang umano siya nabigyan ng paunang abiso na kasama siya sa revamp ng Gabinete.
Hindi naman namataan sa Palasyo si DENR Sec. Alvarez. (Ulat ni Lilia Tolentino)