Pero agad nilinaw sa DFA ni Israeli Ambassador to Manila Irit Ben-Abba na ang pagsasara ay walang kinalaman sa terrorist threat.
Sinabi ni Ben-Abba na gusto lamang nilang isiguro ang seguridad sa paligid ng kanilang tanggapan dulot ng isinasagawang rally kahapon ng ilang militanteng grupo sa tapat nito sa Makati City.
Nilinaw ni Ben-Abba na tuloy ang kanilang operasyon sa Lunes.
Ayon kay Tarlac Rep. Noynoy Aquino, masama ang ipinapahiwatig ng mga nagsarang embahada dahil posible anyang isipin ng ibang bansa na magkakaroon na ng giyera sa Pilipinas kaya naglalayasan ang ibat ibang embahada.
Inihalimbawa ni Aquino ang World War II kung saan nagsara ang mga embahadang nakabase sa Pilipinas bago pa man magsimula ang digmaan.
Bunga nito, sinisi ng ilang mambabatas ang pamahalaan dahil nagpapakita lang anya ito na wala ng tiwala ang mga opisyal ng dalawang bansa sa kakayahan ng gobyerno na mabigyan sila ng proteksiyon laban sa mga terorista.
Pinatunayan lamang anya ng mga security officials ng Pilipinas na mahina ang intelligence gathering nito dahil hindi namalayan na magsasara na ang Australian at Canadian embassies.
Idinagdag naman ni Leyte Rep. Ted Failon na kahit sa mas magulong bansa tulad ng Israel at Indonesia na palaging target ng terorista ay hindi nagsasara ang mga embahada ng Australia at Canada.
Dahil dito, mas malaking problema aniya ang dapat tutukan ng gobyerno at ito ay ang masiguro sa mga natitirang embahada sa bansa na kayang pangalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan.
Posibleng maghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa mga nagsarang embassy upang ipakita na pinoprotesta ng gobyerno ang kanilang naging hakbang.
Samantala, tuloy pa rin ang operasyon ng Australian Embassy bagaman nagsara ito.
Tiniyak ng DFA na ang pagpoproseso ng mga visas ay patuloy at pansamantala silang lumipat sa kalapit na hotel. (Ulat nina Ellen Fernando/Malou Escudero/Rudy Andal/Ely Saludar)