Sina Paul Ng, isang Malaysian na kasalukuyang chairman of the board ng LIA ay inaresto sa main office ng LIA sa Laoag City, habang ang Australian na si Jimmy Tan Theng Chui, board member at chief mechanic ng LIA ay dinampot sa hangar ng Laoag airport.
Ayon kay BI Commissioner Andrea Domingo, ang pagkakadakip sa dalawa ay base na rin sa isang mission order na kanyang nilagdaan matapos silang ilagay sa BI watchlist kasama ang dalawang piloto ng flight 585.
Nabatid na walang working permit sina Ng at Tan kaugnay ng kanilang pagtatrabaho sa bansa.
Lumabas sa record ng BI sa Ninoy Aquino International Airport na dumating sa bansa si Tan bilang turista habang si Ng naman ay may hawak na resident visa bunsod na rin sa pagpapakasal nito sa isang Filipina.
Subalit binigyan diin ni Domingo na kahit na kasal si Ng sa isang Filipina ay hindi nangangahulugan na puwede na itong magtrabaho sa bansa.
"Ngs resident visa does not entitle him to work in the country without the required alien employment permit (AEP) or certificate of residence for pre-arranged employee (CRPE) from the Department of Labor and Employment," ani Domingo.
Inilagay din ng BI sa NAIA sa watchlist ang pangalan nina Ng at Tan, kasama ang mga pilotong sina Capt. Bernie Crisostomo at Joseph Gardiner upang mapigilan ang kanilang pagtakas habang hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon sa sanhi ng pagbagsak ng eroplano. (Ulat nina Butch Quejada at Jhay Quejada)