GMA inupakan ang mga kritiko sa pagsalba sa Meralco

Binuweltahan ni Pangulong Arroyo ang kanyang mga kritiko sa pagsasalba sa Meralco.

Sinabi ng Pangulo na walang sinuman ang maaaring mag-dikta sa kanya lalo pa’t ang pinag-uusapan ay ang kapakanan ng bansa.

Nilinaw ng Pangulo na hindi niya isasakripisyo ang mga mahihirap upang bigyan ng kasiyahan ang mayayaman samantalang hindi rin nito maaring dedmahin ang mayayaman para maging mabango sa mahihirap. Tugon ito ng Pangulo sa mga banat ng kritiko na umano’y pinaboran nito ang mga mayayaman dahil sa pagsalba sa Meralco partikular sa pamilya Lopez.

Nilinaw ng Palasyo na ang pangunahing layunin nito sa pagsagip sa Meralco ay para sa interes ng taumbayan.

Gayunman, tiniyak ni Pangulong Arroyo na makakakuha ng refund ang publiko sa sobrang binayaran nilang konsumo sa kuryente simula pa noong 1994 sa sandaling ipalabas ng Korte Suprema ang pinal na desisyon sa inihaing motion ng Meralco.

Tiniyak din ng Pangulo na hindi na magaganap ang krisis sa enerhiya. Ito ay sa gitna ng mga babala ng Meralco na maaring makaranas muli ng brownout ang bansa dahil sa utos ng Korte Suprema na ibalik ang P28 bilyong pisong sobrang singil. (Ulat nina Ely Saludar/Lilia Tolentino)

Show comments