Sa 20-pahinang desisyon ni Regional Trial Court Branch 83 Judge Voltaire Rosales, napatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan sina Millano Muit, Sergio Pancho, Rolando Dequillo at Romeo Pancho sa pagdukot sa biktimang si Ignacio Earl Ong Jr. ng ILO Construction Company noong Disyembre 2, 1997.
Nabatid sa record ng korte na si Ong ay dinukot sa isang project site ng ILO Construction Co. sa Barangay Darasa sa siyudad na ito noong nabanggit na petsa.
Dadalhin sana ng mga kidnapper si Ong sa Barangay Kaylaway sa bayan ng Nasugbu sakay ng kanyang Pajero nang silay maharang ng mga pulis sa isang checkpoint sa Lipa city.
Isang shootout ang sumiklab na nagresulta sa pagkamatay ni Ong at pagkakaaresto sa mga kidnapper. Isa pang akusado na si Joseph Ferraer ang tumayong state witness laban sa kanyang mga kasama.
Si Ong, isang engineer ay asawa ni Faith Gokongwei, isa sa anim na anak ng mga Gokongwei at siyang nag-aasikaso sa pag-aari ng pamilya na ILO Construction.
Pinatawan din ang apat na akusado ng panibagong death penalty sa pangalawang kasong carnapping nang tangayin si Ong kasama ang kanyang Pajero.
Inutos din ni Judge Rosales na magbayad ang mga akusado sa pamilya ng biktima ng kabuuang halos P3 milyong halaga ng pinsala.
Awtomatiko namang dadalhin sa Supreme Court ang naturang hatol para rebisahin habang inilipat na ang apat sa Bilibid Prisons sa Muntinlupa.(Ulat ni Arnell Ozaeta)