Ito ang sinabi kahapon ni NBI Director Reynaldo Wycoco matapos itong magtungo sa tanggapan ni Justice Secretary Hernando Perez sa Department of Justice (DOJ) para magpulong.
Itinalaga ni Wycoco ang NBI-Agent Graft Division sa pangunguna ni Atty. Justo Yap upang magsiyasat at tutukan ang imbestigasyon sa ginawang pagbubunyag ni Villarama.
Idinagdag pa ni Wycoco na inisyu nila ang subpoena duces tecum upang makuha ang lahat ng mga papeles at dokumento na magdidiin kay Perez.
Dahilan din dito kaya pinadadalhan na nila sina Villarama, Jimenez at Lacson upang makapagbigay ng linaw tungkol sa kanilang nalalaman sa "Million Dollar Man."
Nabatid pa na isinama rin sa imbestigasyon si Jimenez matapos na sabihin ni Perez na ito ang source nina Lacson at Villarama sa nasabing isyu upang maharang ng una ang kanyang extradition case sa Estados Unidos kayat sinusulsulan umano nito si Villarama.
Tiniyak naman ni Wycoco na magiging parehas ang kanilang gagawing imbestigasyon sa kabila ng katotohanan na si Perez ay kanilang amo dahil nasa ilalim sila ng pangangasiwa ng DOJ.
Nagtakda naman ng palugit ang Presidential Anti-Graft Commission kay Villarama para pormal na magharap ng reklamo laban kay Perez.
Hanggang November 26 ang ibinigay na deadline ng PAGC kay Villarama upang masimulan na ang imbestigasyon sa umanoy Million Dollar Man na nagtukoy kay Perez.
Unang nagsumite ng sulat sa PAGC si Villarama noong November 18, 2002 na nagmumungkahi ng imbestigasyon subalit wala naman siyang mga isinumiteng mga dokumento para magpatunay ng kanyang alegasyon kay Perez. (Ulat nina Gemma Amargo/Ely Saludar)