Ito ang pagbubunyag ni House Deputy Minority Leader Rolex Suplico na mahigit na sa P 25 bilyon ang kakulangan na pondo ng GSIS.
Ayon sa 2001 audit report ng Commission on Audit (COA), umaabot sa P 25.167 bilyon ang deficiency ng Social Insurance Fund nito.
Ang patuloy na pagtaas ng kakulangan ng pondo sa GSIS sa nakalipas na 11 taon ay nagbibigay ng masamang pangitain sa kapabilidad ng ahensiya na mabayaran ang mga obligasyon nito sa libu-libong miyembro.
Simula nang itatag ang GSIS noong 1936 ngayon lamang umano dumoble ang laki ng kakulangan ng ahensiya.
Sinabi pa ni Suplico na nagsimulang lumobo ang kakulangan ng pondo ay nang umupo bilang presidente ng GSIS si Winston Garcia kung saan umabot ito sa P 10 bilyon.
Kung hindi aniya gagawa ng paraan ang GSIS ay siguradong hindi nito maibibigay ang nararapat na benepisyo sa mga miyembro.
Isa sa mga suhestiyon ng COA ay ang pagbebenta ng mga non-performing investment ng ahensiya katulad ng mga paintings na kinabibilangan ng kontrobersiyal na Parisian Life ni Juan Luna. (Ulat ni Malou Escudero)