Sinabi ni Quezon City Rep. Maite Defensor, isa sa mga awtor ng panukala, na ang hindi epektibong pangongolekta sa buwis ang magiging daan para lalong bumagsak ang Pilipinas.
Malaking suliranin ng pamahalaan ang malaking kakapusan sa pondo dahil sa palpak na koleksiyon sa buwis na nagresulta para lumobo sa P166.4 bilyon hanggang Setyembre 2002 ang budget deficit o kakulangan sa pondo.
Isinusulong ng panukala ang "restructuring" sa ahensiya para magkaroon ito ng tinatawag na "corporate powers" para sa epektibong pangongolekta sa buwis.
Umaasa ang anim na mambabatas na awtor ng NARA na makikiisa sa kanilang ang mga awtor ng Internal Revenue Management Act (IRMA) kabilang na ang nagpanukalang si de Venecia para maisulong ang isa na lamang na panukala.
Nauna rito, ipinanukala ni de Venecia Jr., ang pagbuwag din sa BIR at pagbuo ng IRMA.
Nagkaroon ng negatibong pananaw ang mga empleyado ng BIR sa panukala ni de Venecia dahil sa pangambang ito ang magiging daan upang matanggal sila sa kanilang trabaho.
Subalit sinabi ng mga awtor ng NARA na nakapaloob sa panukala ang magandang benepisyo sa pagreretiro at separation pay para sa mga empleyado ng BIR na tatangging maglingkod sa NARA. (Ulat ni Malou Escudero)