Coast Guard nanguna sa memorial service ng Flight 585 crash victims

Pinangunahan ni Philippine Coast Guard chief Vice Admiral Reuben Lista ang isang memorial service kahapon para sa 19 na nasawi sa pagbagsak ng Flight 585 ng Laoag International Airlines sa Manila Bay noong Nobyembre 11.

Sakay ng isang barko ng Coast Guard, isang misa ang ginanap para sa mga kamag-anak ng namatay kasabay ng pag-aalay ng mga bulaklak sa mismong pinagbagsakan ng eroplano.

Kinatawan ni Gen. Thompson Lantion si Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza sa seremonya kung saan pinasalamatan ng publiko ang Coast Guard sa maagap nitong pagresponde sa trahedya kasama ang ilang mangingisda.

Si Laoag Air president Jose Miranda at LIA chief operating officer Tito Garcia ang kumatawan naman sa Laoag Air sa memorial service. Inulit ng dalawa na sinagot lahat ng LIA ang burial expenses ng mga nasawi at ang pagpapagamot sa mga nakaligtas.

Pinasalamatan ni Pangulong Arroyo ang PCG personnel sa kanilang mabilis na pag-aksiyon. Pinuri rin niya sina Mendoza at Lista sa pagpapalakas sa kapabilidad ng Coast Guard na tumugon sa mga emergency.

Show comments