Laking-gulat ni Manjho Patrocinio, public relations officer (PRO) ng LRT at ng buong pamilya nito nang matuklasan na halos isang kilo ng bomba ang laman ng naturang kahon nang kanyang buksan sa loob ng kanyang bahay sa San Jose, Camarines Sur kahapon.
Agad naman nitong ipinagbigay-alam ang insidente sa Camarines Sur Provincial Police Office na agad na rumesponde para i-detonate ang naturang bomba.
Sa salaysay ni Patrocinio, nagpasya umano siya na iuwi na lamang ang isang kahon na may tatak na "Bear Brand" matapos na walang kumukuha nito sa imbakan ng kanilang istasyon na nakalagak dito noon pang Setyembre.
Inakala umano niya na mga gatas nga ang laman ng naturang kahon ngunit laking pasalamat pa niya nang hindi ito sumabog habang ibinibiyahe niya at hanggang sa makarating sa kanilang bahay.
Ayon sa Explosive and Ordnance Division ng Camarines Sur PPO, naglalaman ang kahon ng blasting caps, Trinitrutoluene, ilang cords at isang cellphone. Maari umanong nakalimutan ng executioner ang numero ng cellphone na nakalagay dito kaya hindi napasabog ang bomba at bigong makapaghasik ng kaguluhan sa istasyon ng LRT.
Bunsod nito, nagpahayag din ng pasasalamat ang ibang empleyado ng LRT dahil walang nasaktang inosenteng sibilyan.
Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung kelan ang eksaktong araw na natagpuan ang naturang bomba at matukoy ang posibleng nag-iwan nito sa LRT.
Samantala, isasailalim rin sa masusing interogasyon si Patrocinio dahil sa pag-uuwi nito ng bagahe ng palihim.
Ipinaliwanag ni Commander Ernesto Garzon, chief security officer ng LRT sa Pasay Central Office, na iniutos na umano sa kanya ni LRT Administrator Teodoro Cruz ang recall sa vacation leave ni Patrocinio para pabalikin agad sa Maynila dahil sa pag-uwi nito sa Bicol dala ang naiwang bagahe.
Ayon kay Garzon, kapag ang bagahe na nakalagay sa kahon ay naglalaman ng mga damit at itoy naiwan ng pasahero alinman sa mga istasyon ng LRT ay kanila itong dinadala sa PRO para ipaanunsiyo sa nagmamay-ari.
Ipapamahagi lamang ang nasabing bagahe kung sa loob ng 2 buwan ay wala pang nagki-claim. Kung ang mga kahon ay naglalaman naman ng mabubulok na bagay itoy kanilang nang itatapon, kaya hindi umano alam ng pamunuan ang ulat na inuwi ni Patrocinio ang bagahe sa kanilang probinsiya. (Ulat ni Danilo Garcia)