Bukod sa hindi pagbabayad ng electric bill mula sa darating na Disyembre,sinabi ni Sanlakas national president Wilson Fortaleza na kailangan ang gobyerno na ang mangasiwa ng pamamahagi ng kuryente at humanap ng ibang kumpanya na bibili para maiwasan ang monopoliya sa elektrisidad.
Ngayong araw na ito ay sisimulan ng Sanlakas ang pagdaraos ng rali sa harap ng gusali ng Meralco sa Ortigas bilang pag-uumpisa ng serye ng malawakang kilos protesta para mapilitan ang Meralco na bayaran agad ang sobrang nasingil sa mga consumer.
Maging ang Korte Suprema ay pinanawagan din ng Sanlakas na maging matatag sa paninindigan sa nauna nilang ipinalabas na desisyon na nagdeklarang nasobrahan ang Meralco sa siningil nito sa taumbayan.
Walang reaksiyon ang Malacañang sa kampanyang civil disobedience ng Sanlakas bagkus ay nagpayo si Press Secretary Ignacio Bunye sa publiko na huwag pangunahan ang Korte Suprema sa gagawin nitong desisyon sa apelang gagawin ng Meralco. (Ulat ni Lilia Tolentino)