Sa ipinalabas na 20-pahinang desisyon ng SC Third Division, sinabi nito na umabuso sa tungkulin ang Meralco matapos nilang ipatupad ang sobrang singil sa mga consumers.
Sinabi ng SC na hindi naipakita sa kanila ng Meralco na ang kanilang hihinging karagdagang singil ay makatwiran.
Nilinaw pa ng Mataas na Hukuman na walang karapatan ang Meralco na ipasa sa mga consumers ang mga binayaran nilang buwis o income tax sa pamamagitan ng karagdagang singil sa kuryente.
Matatandaang nag-ugat ang kaso matapos na maghain ng petisyon ang Meralco sa Energy Regulatory Board (ERB) noong Disyembre 23, 1993 para sa karagdagang singil sa kuryente sa halagang 21 centavos per kilowatt hour.
Pinayagan naman ng ERB ang petisyon subalit umaabot lamang sa 0.184 centavos per kilowatt hour ang kanilang inaprubahang pagtataas sa singil sa kuryente.
Hiniling din ng ERB na isailalim sa kaukulang pagbusisi sa Commission on Audit (COA) ang mga libro ng Meralco upang malaman kung nagkaroon ng pag-abuso ang nasabing kumpanya.
Subalit lumalabas sa COA report noong Pebrero 11, 1997 na hindi dapat isama ng Meralco ang kanilang income taxes na binabayaran sa gobyerno bilang bahagi ng kanilang operating expenses at ipasa naman sa mga consumers.
Dahilan dito kung kayat nagpalabas ng panibagong kautusan ang ERB na aabot lamang sa 0.017 per kilowatt hour ang maari nilang itaas na singil sa kuryente epektibo sa billing cycle mula Pebrero 1994 hanggang Pebrero 1998.
Bunga nito kaya inatasan din ng ERB ang Meralco na isauli sa mga consumers ang excess average amount o sobrang singil sa kuryente na umaabot sa 0.0167 per kilowatt hour.
Samantala, naging dahilan ito upang umakyat ang Meralco sa Court of Appeals para i-apela ang kaso at kinatigan naman ng Appelate Court ang petisyon ng una at binaligtad nito ang unang hatol ng ERB.
Hindi naman pinaboran ng SC ang naging hatol ng CA kayat inatasan nito ang Meralco na isauli sa mga consumers ang aabot sa halos 0.17 sentimos kada kilowatt hour na singil sa kuryente epektibo mula Pebrero 1994 hanggang sa mga susunod na billings.
Maari namang umapela ang Meralco sa SC sa pamamagitan ng paghahain ng motion for reconsideration sa loob ng 15 araw.
Samantala, kinastigo ni Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao ang Meralco hinggil sa pananakot nito sa publiko na maaring bumagsak ang ekonomiya at makakaranas umano ng malawakang brownout na resulta ng desisyon ng Korte Suprema.
Ayon kay Tiglao, hindi dapat na takutin ng Meralco ang publiko at sa halip ay kumilos na lamang ang mga abogado nito dahil maari pa namang iapela ang desisyon ng SC.
Pero tiniyak ng Malacañang na ipatutupad ng Meralco ang desisyon ng SC.
Binigyang diin ni Tiglao na ang batas ay batas na dapat ipatupad. (Gemma Amargo/Ely Saludar)