Sa panayam, sinabi ni Atty. Rainier Mamañgan, ng DFA-Office of Migrant Workers Affairs-Assistance to Nationals na tutulak siya kasama si Atty. Gil Salceda ng nasabi ring dibisyon sa Nepal at India upang ihatid ang nasabing blood money matapos na makumpleto ito.
Unang nakalikom ng halagang P500,000 para kay Gasmen at ito ay idadagdag sa nalikom ng DFA na P239,856 na kasalukuyang nakadeposito sa Philippine National Bank.
Ayon kay Mamañgan, sa susunod na linggo ay may inaasahan pa silang magbibigay ng tulong pinansiyal mula sa mga nangakong personalidad at makukumpleto na ang P780,000 blood money.
Ang mga nabanggit na pera ay mula sa mga religious group, Radio Mindanao Network, mga negosyante at anonymous.
Sinabi ni Mamañgan na sa Nobyembre 25 ang kanilang alis at mayroon silang dalawang linggo para ayusin lahat ang mga papeles at dokumento para sa pormal na pagbibigay ng blood money sa pamilya ng biktimang si Kim Bahadir Gurung. (Ulat ni Ellen Fernando)