Sa isang privilege speech, ipinakita ni Bulacan Rep. Willie Villarama ang 2-pahinang dokumento na magpapatunay sa nangyaring paglilipat ng halos $2M sa Hong Kong account.
Nakasaad sa dokumento na $1,999,965.00 ang nailipat sa isang account sa Coutts Bank (Schweiz) AG sa Hong Kong noong Peb. 23, 2001.
Ang nasabing halaga ay nagmula sa Trade and Commerce Bank sa Uruguay at idineposito sa account # HO13706.
Mula sa Uruguay, inilipat muna ang pera sa Cayman Island BWI, pagkatapos ay inilipat sa Chase Manhattan Bank sa New York bago ito inilipat sa Coutts Bank sa HK.
Ang nasabing transaksiyon ay nakadetalye sa isang Payment Detailed Report mula sa Trade and Commerce Bank.
Sinabi ni Villarama na hindi muna niya ibubunyag ang pangalan ng Cabinet member bagaman at hinamon siya ni Justice Secretary Hernando Perez na pangalanan ang nasabing opisyal.
Mabubulgar din anya ito base sa mga dokumentong ilalabas niya. (Ulat ni Malou Escudero)