Lahat ng biyahe ng Laoag Airlines sinuspinde

Agad sinuspinde ng Air Transportation Office (ATO) ang natitirang apat na F-27 Fokker planes ng LAI na pag-aari at ino-operate ng Malaysian-Chinese na nakilalang si Paul Ng na asawa ng isang Ilocana mula sa Laoag.

Ito ay habang sinisiyasat ang pinagmulan ng pagbagsak ng flight 585 at hanggang hindi nasusuring lahat ang eroplano ng naturang kumpanya.

Sinisi ni Ilocos Norte Rep. Imee Marcos ang ATO sa trahedya dahil matagal na siyang nagbabala sa nasabing ahensiya ng pamahalaan kaugnay sa matatandang eroplano na ginagamit ng LIA.

Luma na umano ang mga eroplano nito kaya bumagsak at sa kabila anya ng babala ay nagpatuloy pa rin ang operasyon ng nasabing airlines.

Ibinunyag pa ni Marcos na sa kabila ng kalumaan ng mga eroplano ng LIA ay pinayagan itong mag-expand ng operasyon kaya posible anyang overworked na rin ang mga piloto nito.

Noong una ang ruta nito ay Manila-Laoag lamang pero lumawak na ang serbisyo patungong Batanes, Tuguegarao at Leyte.

Isang House probe ang nakatakdang isagawa matapos ang insidente.

Samantala, sinabi ni DOJ chief State Prosecutor Jovencito Zuño na handa niyang tanggapin ang mga reklamong ihahain ng pamilya ng mga biktima.

Kasong kriminal lamang ang kanilang maaring hawakan laban sa may-aring si Ng at sa mga pilotong sina Capt. Bernie Crisostomo at co-pilot na si Joseph Gardiner.

Ang ATO naman ang maaring humawak ng kasong administratibo laban kina Ng at Crisostomo. (Ulat nina Lilia Tolentino/Malou Escudero/Gemma Amargo)

Show comments