Plane crash: 14 patay, 15 nasagip

Labing-apat katao kabilang ang apat na bata ang kumpirmadong patay, 15 ang nakaligtas habang lima pa ang nawawala matapos na bumagsak sa Manila Bay ang Fokker-27 plane flight 585 na may lulang 34 katao kabilang ang 5 crew ng Laoag International Airlines, kahapon ng umaga.

Sa nakuhang report, dalawang minuto bago mag-alas-6 ng umaga ng mag-take-off mula sa runway 31 ng Manila Domestic Airport sa Parañaque City patungong Laoag ang flight 585. Pero 30 minuto pa lamang nakakalipad ay nagdeklara na ng distress call sa tower ang piloto nitong si Capt. Bernie Crisostomo at nag-announce na magsasagawa ng landing sa Manila Bay. Dakong 6:27 ng tuluyang bumagsak ang eroplano.

Kinilala ang mga nasawing sina Gemma Dasalla, flight stewardess; Nestor Bernal, flight steward; Jomer Dierra, 4; Earl John Rada, Sheryl Manda, Taupin Van Nguyen, Jake Padilla, Darren Green, Julia Margarette Nguyen, Normita Mata, Jocelyn Fajardo, Cherylyn Rada, Arnel Angeles, Edelquin Abriganda at isang John Doe.

Lima sa mga nakaligtas ay isinugod sa San Juan de Dios Hospital na kinilalang sina Marielle Poncio, Epifania Reyes, Nemia Castillejos, flight steward na si Adhika Espinosa at pilotong si Crisostomo.

Sampu ang ginagamot ngayon sa Ospital ng Maynila na sina Juan Pornillos, Noli Dierra, Maria Severo, Tessie Bugarin, Jose Salazar, Bryan Forrester, Steve Thompson, Wilfredo Alviso, crew pilot na si Joseph Gardiner at isang di nakuha ang pangalan.

Kabilang naman sa nawawala ang mga bakasyunistang Australian na sina John Benson, Jim Coddington, Sam Coddington, Nick Bright at Minn Nguyen, habang si Jefferson Mata ay hindi makumpirma kung kabilang sa nawawala o kasama sa hindi nakikilalang nasawi.

Bago ang pagbagsak ay namataan ang eroplano na umuusok ang bahagi ng buntot nito habang nasa himpapawid. Sinikap umano ng piloto na mag-crashland sa reclamation area ng Manila Bay pero nabigo ito at tumuloy sa karagatan ang eroplano.

Unang sumayad sa tubig ang pakpak ng F-27 hanggang sa humiwalay ang buntot sa katawan at naputol ang puwitan. Tuluyan ng nabiyak sa dalawa ang eroplano.

Ilang minuto pa ay dinispatsa na ang search and rescue operations at mabilis na sinuyod ng mga tauhan ng Phil. Coast Guard (PCG) ang kailaliman ng crash site sa tulong ng Navy, Air Transportation Office, MMDA at mga mangingisda.

Tatlong babae ang unang nasagip ng mga rescuer na agad isinugod sa ospital. Sumunod na naiahon ay apat na bata pero patay na ang mga ito.

Sinabi ni PCG chief Vice Admiral Ruben Lista na maaring may na-trap pa sa loob ng eroplano kaya pinagsusumikapan nilang maiahon sa pamamagitan ng boom crane ng Navy.

Alas-4 ng hapon kahapon ay 1/4 pa lamang ng eroplano ang naiahon dahil na rin sa bigat nito.

Binigyan na umano ng go-signal ang pagsira sa eroplano matapos na makumpirmang buhay ang dalawang piloto na siyang magbibigay ng pahayag kung ano ang talagang nangyari.

Ang mga bahagi ng narekober na nagkapira-pirasong Fokker plane ay kasalukuyang nasa Pier.

Nabatid na ang nasabing eroplano ay 22-taon na. (Ulat nina Joy Cantos/Lordeth Bonilla/Grace dela Cruz/ Danilo Garcia/Ellen Fernando at Butch Quejada)

Show comments