Sa pahayag nina Bayan-CL chairman Roman Polintan at Bayan-Pampanga chairman Frank Mangulabnan sa local DWRW-FM station, ibinandera ng mga ito ang "Friends of Jose Ma. Sison" campaign kasabay ng paglulunsad ng isang fund drive ng Anakbayan at National Democratic Front of the Philippines para kay Sison. Itoy matapos na putulin ng Dutch government ang lahat ng assets at benepisyo ni Sison sa the Netherlands kasunod ng pagkakadeklara sa kanya bilang "terorista."
Ayon sa organizers ng Friends of Jose Ma. Sison, ang proyekto ay para ipamukha sa publiko ang tunay na kalagayan ni Joma at maling akusasyon laban sa kanya ng pamahalaan ng Amerika at Pilipinas.
Isang signature campaign ang inumpisahan na kahapon para hikayatin ang Dutch government na ikonsiderang muli si Sison bilang isang political refugee at nakatakda ring ilunsad ang "Piso para kay Joma."
Pero sa kabila ng kanilang pagpabor kay Sison bilang pangulo, sinabi ni Polintan na tutol ang Bayan sa kudeta dahil sa kasalukuyan ay kaya pang "i-tolerate" si Pangulong Arroyo.
Bigo anya ang rehimeng Arroyo na makatugon sa pangangailangan ng mga Pilipino at pilit na inililihis ang atensiyon ng mga tao sa mga bomb threats para pagtakpan ang bumabagsak na ekonomiya.
Gayunman, sinabi ni Mangulabnan na habang tanggap nila si Sison bilang pangulo ng Pilipinas, hindi nila ito ikakampanya sa eleksiyon sa 2004. (Ulat ni Ding Cervantes)