Ayon kay Assistant Ombudsman Dennis Villa Ignacio, ihaharap nila sa Nobyembre 11 at 13 si Ocampo, senior vice president ng Equitable-PCI Bank, para tumestigo at dalhin ang mga bank documents na siyang magdidiin kay Estrada sa P4.1 bilyong kasong pandarambong.
Inamin ni Villa Ignacio na posibleng huling witness na ng prosekusyon si Ocampo sa kaso ni Erap pero pinag-aaralan pa nila kung maghaharap pa sila ng panibagong saksi matapos ang testimonya ni Ocampo.
Si Ocampo at Atty. Manuel Curato, hepe ng legal department ng Equitable-PCI Bank, ang nakasaksi sa paglagda ng dating pangulo sa Malacañang noong Pebrero 2, 2000 bilang Jose Velarde sa tatlong kopya ng investment management agreement.
Bagaman una nang inamin ni Estrada na tumayo lamang siyang guarantor sa utang na hinihiram ng kaibigan niyang si William Gatchalian na nagkakahalaga ng P500 milyon, nakahanda ang prosekusyon na patunayan na si Erap ang tunay na may-ari ng account na nilagdaan nito.
Isa si Ocampo sa naging instrumento para magtagumpay ang Edsa Dos laban kay Estrada. (Ulat ni Malou Escudero)