Sa reklamo ng Philippine Overseas Entertainment Foundation Inc. (POEI) kay Ombudsman Simeon Marcelo sa pamumuno ni Willie Espiritu, lumabag si Sto. Tomas sa anti-graft law at code of conduct and ethical standards of public officials and employees makaraang ipalabas ng kalihim ang Department Order no.10 noong Oktubre 9, 2001 kung saan lantarang pinakikialaman ni Sto. Tomas ang pag-regulate sa mga ipinapadalang Japayuki at iba pang entertainers sa Japan at iba pang bansa.
Nilinaw ng POEI na walang kapangyarihan si Sto. Tomas na magpalabas ng naturang kautusan dahil saklaw ito ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) batay na rin sa itinatakda ng Executive Order 797.
Sa nabanggit na batas, ang nasabing kapangyarihan ay maaring isalin o ilipat sa pribadong sektor ng POEA.
Ayon pa sa complaint, bagaman line-agency ng DOLE ang POEA ay hindi naman ito maaaring kontrolin ng una.
Kinondena sa reklamo ang umanoy diskriminasyon ni Sto. Tomas ng bawalan ang mga local entertainment agencies na mag-endorso sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng mga sasanaying entertainers na ipadadala sa abroad.
Naghihinala rin ang POEI na may naganap na sabwatan sa pagitan nina Sto. Tomas at dating TESDA director general Lucita Lazo.
Idinagdag din ng POEI na malaking halaga ng salapi ang nakapaloob sa ipinalabas na Artists Record Book o ARB na dito ay tinatayang mula P20,000 hanggang P50,000 ang umanoy nakokolektang kickback mula sa bawat talent na nagbabalak bumiyahe sa ibayong dagat.
Dahil dito, hiniling ng POEI kay Ombudsman Marcelo na kasuhan ng katiwalian at administratibo sa Sandiganbayan si Sto. Tomas. (Ulat ni Gemma Amargo)