Ang pagtutol sa akusasyon ni Joma ay ginawa ni Chairman Silvestre Bello III, chairman ng government negotiating panel kasunod ng bintang ni Sison na nilinlang sila ng pamahalaan.
Sinabi ni Bello na hindi isinasara ng pamahalaan ang pinto ng negosasyon sa mga rebeldeng CPP-NPA-NDF at kahit na nga pansamantalang suspindido ang pormal na peace talks ay tuloy pa rin ang back channel negotiation.
Sa isang panayam sa DZMM radio station, sinabi ni Joma na biktima sila ng 1-2-3 ng sabwatang RP-US at napadikta naman daw ang European Union ng pumayag ang mga bansang Europa na ideklara ang NPA na foreign terrorist organization.
Sinabi pa ni Sison na dapat nang buwagin ang opisina ni Presidential Adviser on the Peace Process Eduardo Ermita dahil wala naman itong nagagawa sa ikasusulong ng negosasyong pangkapayapaan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF.
Samantala, naghihintay na lamang ang Malacañang sa susunod na hakbang na gagawin ng pamahalaang Netherlands kung pababalikin o hindi sa bansa si Joma matapos itong ideklarang terorista.
Ayon kay Ermita, ang bola ay nasa kamay na ng Netherlands hinggil sa kalagayan ni Sison. (Ulat ni Lilia Tolentino)