Mayor tinodas sa simbahan

Binaril at napatay ang municipal mayor ng Tineg, Abra habang nagni-ninong sa kasalan sa loob ng simbahan sa Calauan, Laguna kahapon ng umaga.

Hindi na umabot pa ng ospital si Tineg Mayor Clarence Benwaren, 35, matapos puruhan sa ulo ng kalibre .45 baril ng isa sa pitong hinihinalang hired killers.

Samantala napatay rin ang isa sa mga suspek matapos na magkaroon ng running gun battle na nakilalang si Edberto Amoncio, 26, ex-army at residente ng Diliman, Quezon City. Nadakip naman ang driver ng van na ginamit ng mga suspek na kinilalang si Cernan Carandang, ng Brgy. Masiit, Calauan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-9:45 ng umaga ng maganap ang krimen sa San Isidro Labrador church sa Barangay Silangan Poblacion kung saan tumatayong isa sa mga principal sponsor sa kasal ang biktima.

Habang pinipirmahan umano ng mayor ang marriage contract ay bigla itong nilapitan ng isa sa mga salarin saka binaril sa ulo habang umakto namang lookout ang mga kasama nito sa labas ng simbahan.

Nang bumulagta sa sahig ang biktima ay isinabay ng mga suspek ang kanilang pagtakas sa nagkagulong mga tao at sumakay sa isang Hyundai van na kulay green at may plakang XEE-831 na minamaneho ni Carandang.

Hinabol sila ng mga awtoridad para pasukuin subalit pumalag ang mga suspek at nagkaroon ng barilan.

Napatay si Amoncio at nadakip ang driver samantala nagsitakas ang lima pa nitong kasamahan.

Bago ang pamamaslang, ilang beses nang pinagtangkaang patayin si Benwaren ng mga hinihinalang rebelde ng Agustin Begnalen command ng NPA.

Kamakailan, sinunog ng mga rebelde ang kanyang building dahil pinapagamit umano niya sa mga sundalo.

Noong July 12, 2002 inambus din ito ng armadong mga lalaki ngunit nagasgasan lamang.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang anggulong pulitika.(Ulat nina Tony Sandoval,Myds Supnad,Arnell Ozaeta,Doris Franche at Lordeth Bonilla)

Show comments