Si Usman, miyembro ng Abu Sayyaf Group ay isa umanong bomb explosive expert na pinaniniwalaang nagtanim ng bomba sa labas ng Fitmart Mall sa General Santos City na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng humigit-kumulang na 100 iba pa.
Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, na humingi na ng konsultasyon si PNP Chief, Director General Hermogenes Ebdane kay Interior and Local Government Secretary Joey Lina para sa paglalapat ng mabigat na parusa sa mga iresponsableng pulis.
Tiniyak ni Tiglao na susuportahan ng Pangulo ang pagpapasibak sa tungkulin sa lahat ng responsable sa pagkakatakas ni Usman dahil sa kapabayaan.
Sa naganap na pangyayari, sinibak kahapon sa puwesto si P/Chief Insp. Auselito Cabang, hepe ng 1206th Police Provincial Mobile Group (PPMG) na siya umanong may direktang hurisdiksyon sa kinapipiitan ni Usman.
Nakatakas si Usman sa kanyang detention cell sa Saranggani Provincial Command sa Kawas, Alabel. (Ulat ni Lilia Tolentino)