Kinilala ni Armys 7th Infantry Division Commander Maj. Gen. Alberto Fernando Braganza ang mga nadakip na suspek na sina Joseph Evangelista alyas Mario, 24, ng Bicol; Rodolfo Magdaong alyas Berto, 21; Armando Magdaong alyas Joven, 23, at Mike Ramirez alyas Joshua na pawang taga-Gabaldon, Nueva Ecija.
Inamin ng mga nadakip na rebelde na sila ay aktibong kasapi ng 28th man NPA rebel terrorist group na sangkot sa extortion activities sa nasabing lugar at umanoy may planong kidnapin ang negosyanteng si Romeo John Roxas II, vice president for operations ng Green Circle Properties, Inc. na nakabase sa Aurora noong Miyerkules.
Batay sa ulat, ang apat na nadakip kasama ang 24 pang NPA ay naglagay ng checkpoint sa Sitio Amutan, Brgy. Cabug noong Miyerkules para kidnapin si Roxas na napag-alaman nilang daraan doon.
Tatlong luxury vehicles ang pinahinto sa checkpoint ng mga NPA at siniyasat kung naroon ang kanilang pakay na siya namang pagdating ng van ni Roxas sa lugar.
Nang makita ni Roxas na sinisiyasat ng mga NPA ang tatlong sasakyan ay natunugan nito na siya ang pakay kayat mabilis nitong pinasibat ang kanyang sasakyan at binalewala na ang checkpoint.
Subalit pinaputukan ng mga NPA ang sasakyan ni Roxas na masuwerte namang hindi ito tinamaan maliban lang sa likod ng sasakyan nito na tadtad ng mga bala.
Napag-alaman na matagal nang hinihingian ng mga rebelde si Roxas ng revolutionary tax, sa kanyang kompanya subalit hindi ito nagbibigay kayat nagplano na dukutin ito.
Nagsagawa naman ang Charlie Company ng 71st Infantry Brigade para hanapin ang mga rebelde at dito ay nagkaroon ng limang minutong barilan bago naaresto ang apat na rebelde. (Ulat nina Joy Cantos at Pesie Miñoza)