2 patay, 9 sugatan sa pinasabog na kolehiyo at videoke

Tinarget ng panibagong bomb attacks ang isang kolehiyo at videoke bar sa Calasiao, Pangasinan at Tubao, La Union na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng siyam na iba pa.

Sa sketchy report na nakarating kahapon sa Camp Crame, isang estudyante ang grabeng nasugatan ng yanigin ng malakas na pagsabog ang men’s comfort room ng Philippine College of Science and Technology (PSTC) sa Brgy. Naitian, Calasiao, Pangasinan kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Alfie Hernandez, 21, 4th year college student ng naturang paaralan. Agad itong isinugod sa Dagupan hospital.

Dakong alas-9:30 ng umaga ng maganap ang pambobomba sa kalagitnaan ng final exam ng mahigit 3,000 estudyante.

Pinaniwalaang sinamantala nang di pa nakilalang mga suspek ang pagdagsa ng mga mag-eenrol sa nasabing kolehiyo para sa 2nd semester.

Nakarekober ang mga nagrespondeng elemento ng Regional Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng isang mechanical clock, mga baterya at electrical wiring.

Nauna rito, kamakalawa ng alas-8 ng gabi ay isang videoke bar and restaurant na matatagpuan sa barangay Liones East, Tubao, La Union ang tinaniman ng bomba.

Wala umanong kamalay-malay ang nag-iinumang mga kostumer na may nakatanim palang isang improvise bomb sa naturang establisimiyento na nakalagay sa kahon.

Nagkagutay-gutay ang katawan ng dalawang nasawi na kinilalang sina Romeo Yacia at Fredelito Valdez.

Sugatan naman sina Edwin Panelo, Robert Oiler, Ireneo Panelo, Rodolfo Panelo, Jr., Erlina Oiler, Neo Valdez, Renante Oiler at Doro Panelo.

Kasalukuyang ginagamot sa La Union Medical Center ang mga sugatan.

Isang suspek na nakilalang si Joey Sibayan, 20, ang inaresto at kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ng La Union PNP. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments