Oplan Kaluluwa plantsado na

Handang-handa na ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng seguridad sa milyun-milyong Pilipino na luluwas ng mga probinsiya matapos na plantsahin na ang mga sistematikong plano para sa paggunita ng todos los santos sa susunod na linggo.

Sinabi ni PNP spokesman Sr. Supt. Leopoldo Bataoil na planado na ang deployment ng 15,000 puwersa ng PNP buhat sa limang district offices ng NCRPO sa mga bus stations, daungan, NAIA at Domestic airport, sementeryo at pati mga gusali ng pamahalaan.

Ikakalat rin ang mga K-9 bomb sniffing dogs sa mga naturang lugar.

Inaasahan na ng pulisya na nagpaplano ang mga terorista na gawing malagim ang selebrasyon ng Araw ng mga Patay kaya mas pinahigpit ang preparasyon ng pulisya.

Pinag-iingat rin ni Bataoil ang mga luluwas sa kani-kanilang lalawigan na maging mapanuri sa mga bagahe na kanilang nakikita.

Dapat rin umanong makipagtulungan ang publiko laban sa terorismo at iulat agad sa PNP hotline 117 ang kahina-hinalang bagahe. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments