Sangkot sa multi-million $CBK scam tinukoy ni Serge

Apat na matataas na opisyal ng National Power Corporation (Napocor) at National Transit Company (Transco) ang isinangkot ni Senator Serge Osmeña III sa multi-milyong dolyar na anomalya sa rehabilitasyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) project.

Sa privilege speech ni Sen. Osmeña, isinangkot nito sa anomalya sina Transco president Asiselo Gonzaga, Napocor president Rolando Quilala, Napocor corporate secretary Alberto Pangcog at CBK project manager Marcelino Abesamis.

Isinangkot din ni Osmeña si dating Napocor president Federico Puno dahil sa nilagdaan nitong agreement sa Industrias Metalurgicas Pescarmona Sociedad Anomina (IMPSA) na naging kontratista sa rehabilitasyon ng CBK complex.

Dahil din sa anomalyang ito, wika pa ng mambabatas ay mangangahulugan din ito ng P8 bilyong karagdagan sa purchased power adjustment (PPA) na papasanin ng mga electric consumers.

Iginiit pa ng senador, ang overpricing sa nasabing rehabilitasyon ay natuklasan sa isinagawang pag-aaral ng government-commissioned Meritec Limited, isang New Zealand-based international consulting firm na bihasa sa power plant designs.

Idinagdag pa ng senador, nitong Hulyo ay nakapagbayad na ang Napocor ng $50 milyon sa IMPAS para sa rehabilitasyon nito gayong ang ginastos lamang ng IMPSA sa nasabing proyekto ay $9 bilyon lamang kaya maliwanag na mayroong overpricing.

Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Arroyo si Energy Sec. Vince Perez na ipasiyasat sa Presidential Anti-Graft Commission ang mga taong ibinulgar ni Osmeña.

Sinabi ng Pangulo na ang isyung ibinunyag ni Osmeña at ang kaso ng PEA sa overpricing ng Pres. Diosdado Macapagal blvd. ay patunay lamang na tapat ang kanyang administrasyon sa pagsawata ng graft and corruption sa bansa.

Sinabi ng Pangulo na determinado ang kanyang administrasyon na isulong nang walang puknat ang kampanya laban sa katiwalian. (Rudy Andal/Lilia Tolentino)

Show comments