Nagtungo kahapon sa tanggapan ni PNP chief Hermogenes Ebdane ang naturang sibilyan na tumangging magpabanggit ng pangalan at iniabot ang P1 milyong reward money na mula anya sa sarili niyang bulsa bilang bahagi na rin ng kanyang pakikipagtulungan sa gobyerno at malasakit sa mga inosenteng naging biktima ng naturang pagsabog.
Sinabi ni PNP spokesman Sr. Supt. Leopoldo Bataoil na ibibigay ng buo ang naturang halaga sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip ng suspek kaya hinihikayat ng PNP ang sinumang may alam sa nasabing pambobomba na magsalita para makuha ang pabuya.
Dalawa katao ang matatandaang nasawi habang 22 pa ang sugatan sa naturang pagsabog na nauna nang inamin ng Alex Boncayao Brigade ng New Peoples Army.
Tiniyak rin ni Bataoil na nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung sino ang nasa likod ng krimen sa kabila ng pag-amin ng NPA, pero tinututukan din ang posibilidad na may kinalaman ang grupong Abu Sayyaf sa naturang pambobomba.
Sinabi ni PNP Firearms and Explosives Division chief, Sr. Supt. Gerry Barias na isang sangkap na inihahalo sa mga homemade bomb ay ang ammonium nitrate na siya ring ginagamit ng mga magsasaka na pataba at sangkap sa dinamita sa pagmimina.
Legal umanong minamanufacture ito ng mga pabrika at inilalabas sa pamilihan. Sa oras na mabili na ito, wala nang kakayahan ang PNP na mamonitor kung sinu-sino ang bumili at kung kaninong kamay ito napupunta.
Ang tanging ginagawa lamang ngayon ng PNP ay ang magpakalat ng mga K-9 bomb sniffing dogs na nakapuwesto ngayon sa mga paliparan, malls at bus terminals sa Metro Manila.
Ipinahiram ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 20 K-9 dogs nila na masusing sinanay sa pag-amoy ng droga at bomba. (Ulat ni Danilo Garcia)