Nilinaw ng Pangulo na hindi dapat sisihin ang militar at pulisya dahil maging ang Estados Unidos na mas makabago ang kagamitan ay nalusutan ng mga terorista.
Ipinagtanggol rin ng Senado si Intelligence chief, Col. Victor Corpus sa umanoy palpak na intelligence gathering matapos ang panibagong pagpapasabog sa Makati City.
Sinabi ni Senator Rodolfo Biazon na hindi solusyon ang panukalang sibakin si ISAFP chief Corpus dahil sa pagkabigo ng intelligence community na matiktikan ang mga planong terorismo sa bansa.
Sinabi ni Biazon, vice chairman ng Senate committee on national defense and security, ang suliranin natin ay hindi ang tungkol sa personalidad kundi nasa instruktura, pamamaraan at logistical kaugnay sa paglaban sa rebelyon at terorismo.
Ayon naman kay AFP spokesman Lt. Col. Eduardo Purificacion, wala umanong sapat na tauhan ang ISAFP upang bantayan ang mahigit 80 milyong mamamayan sa bansa.
Sinabi rin ni C/Supt. Robert Delfin, PNP directorate for intelligence na walang failure of intelligence sa hanay nila at ng AFP. Nakamonitor sila sa galaw ng mga pinaghihinalaang terorista ngunit imposibleng ma-detect nila kung kelan at saan sasalakay ang mga ito. (Ulat ni Lilia Tolentino)