Sa inisyal na report na natanggap ni Supt. Jovito Gutierrez, hepe ng Makati City police, naganap ang insidente dakong alas-12:10 ng madaling araw sa ibabaw ng flyover.
Sa pahayag ng saksing si Nestor dela Peña, 42, negosyante, ng Marikina City binabagtas niya ang kahabaan ng flyover sakay ng pulang Toyota Hi-Ace van na may plakang WLB-490 ng mapansin ang isang kotseng Honda City na nakabuntot sa kanila habang papaakyat sa gitna ng flyover.
Sa ibabaw ng flyover ay bigla na lamang itong nakarinig ng pagsabog sa railing ng tulay kung saan napinsala ang kanyang rear at side windows.
Tinangka niyang ihinto ang van subalit sinabihan ng tatlo niyang kasama sa loob ng van na dumiretso na lamang sa istasyon ng pulisya at ireport ang insidente.
Sa puntong ito, humarurot na ang Honda patungo sa northbound direction ng EDSA.
Mabilis namang dumating ang SWAT team at ilang minuto pa ay isang granada na naman ang natagpuan sa kanto ng EDSA sa ibaba ng flyover.
Agad nila itong tinakpan ng mga sako at mga goma ng gulong ng sasakyan saka pinasabog.
Base sa ebidensiya at pangyayari, ang mga granada ay hindi itinanim kundi inihagis sa sasakyan ni dela Peña.
Bagaman malayo anyang terorista ang nasa likod ng paghahagis ng 2 granada, hindi pa rin isinasantabi ang anggulong ito kayat nagsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon hinggil dito.
Nabatid na MK2 fragmentation handgrenade o mas kilala sa tawag na atis o pinya ang naturang mga granada na ordinaryong uri lamang na ginamit noong WW II.
Sa ilang teorya ng pulisya, posibleng ang suspek ay isang sundalo na maaring lasing at nag-trip na maglaro ng granada dahil kung ito anya ay may kaugnayan sa terroristic act" ang pasasabugin nito ay gasolinahan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)