Walang iregularidad sa Meralco rate hike – ERC

Wala umanong nakitang "iregularidad" sa pagtaas ng singil ng Manila Electric Co. (Meralco) sa nakalipas na dalawang buwan, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Sinabi ni ERC chairperson Leticia Ibay na patuloy nilang binabantayan ang ginagawang pagtaas ng singil sa kuryente at nananatili itong mababa sa P2 kada kilowatt hour.

Sinabi rin ni Ibay na mayroong mga adjustments na kailangang gawin tulad ng presyo ng langis sa international market at ang foreign exchange rate.

Sinabi ng Meralco na ang pagbabago sa power purchased adjustment (PPA) ay nagmula sa adjustment sa selling rate ng mga suppliers nito na kinabibilangan ng Napocor na mayroong 65% habang ang independent power producers (IPP) ay 35%.

Sinabi ng Meralco na ang P2.03 per kwh na may kasalukuyang PPA na P1.27 ay higit na mababa sa P3.30 kumpara noong Abril.

Sinabi ng Meralco na hindi ito sumingil ng sobra sa kanilang mga customers gaya ng akusasyon ni dating senador Juan Ponce Enrile.

Ang lahat anya ng charges na lumilitaw sa billing ng customers ay lehitimo at may basehan at maaaring beripikahin sa ERC anumang oras.

Giniit din nito na ang petisyon sa Court of Appeals noong Feb. 24, 1999 na naglalayong i-refund ng Meralco sa mga customers ang mga overcharges sa PPA ay naiakyat na sa Korte Suprema at hanggang ngayon ay nakabinbin pa. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments