Kinumpirma ni AFP spokesman Brig. Gen. Eduardo Purificacion na nagpahayag ng intensiyong sumuko si Hamsi Raji Sali, may patong na P5 milyon sa kanyang ulo at kasama sa listahan ng mga wanted sa Amerika.
Sa surrender feeler ni Sali, nakasaad na handa siyang ibahagi ang kanyang "kaalaman" para tulungan ang gobyerno na resolbahin ang terorismo sa Basilan. Hindi anya mahalaga sa kanya ang amnesty sa kanyang pagsuko at tanging nais niya ay itigil ang military operations sa Basilan. Hindi na umano makakilos ng maayos ang mga sibilyan dito dahil sa takot sa mga sundalo.
Sa kabila nito, sinabi ni Purificacion na duda pa rin sila sa intensiyon ni Sali at kasalukuyan nilang bineberipika ang naturang surrender feeler.
Gayunman, kung talaga anyang tapat ang hangarin nitong sumuko ay kailangang gawin niya ito sa lalong madaling panahon ng walang hinihinging kondisyon.
Isa umanong malaking puntos ito sa pamahalaan sa kampanya laban sa terorismo kapag naisakatuparan ang naturang pagsuko ni Sali.
Nagpahayag naman umano si Sali na haharapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Ilan sa mga kaso nito ay kidnapping at serious illegal detention.
Si Sali ay kabilang sa apat na lider ng Abu Sayyaf na nagplano at nagsagawa ng kidnapping sa 3 US citizens na sina Guillermo Sobero at mag-asawang Martin at Gracia Burnham at sa grupo ng mga Filipino tourists at resort workers.
Nagpadala na ng mga opisyal ng militar sa Basilan para masiguro ang kaligtasan nito sa kanyang pagsuko.
Sa kabila ng paghahayag ng kagustuhang sumuko ay hindi pa rin titigil ang militar sa pagtugis sa mga bandido na bahagi ng Operation Endgame hanggang sa maubos na ang mga bandido sa Mindanao. (Ulat ni Danilo Garcia)