Ayon kay Minaluz Satorre, public information officer ng Marikina city, kinumpirma na sa tanggapan ni Marikina city Mayor Marides Fernando ng GBWR ang pagpapadala nito ng dalawang kinatawan sa Pilipinas upang husgahan ang pinakamalaking sapatos na gawa ng 10-man team ng pamahalaang lungsod.
Nabatid na ang team ay may hanggang Oktubre 21 upang kumpletuhin at tapusin ang limang metrong pares ng Oxford na sapatos na ididisplay sa Marikina Sports Center.
Sinabi ni Satorre na agad susuriin ng mga kinatawan ng GBWR ang kanilang entry na sapatos sa oras na dumating ang mga ito sa bansa.
Inihayag ni Arthur Rivera, miyembro ng 10-man team na sinunod nilang mabuti ang mga patakaran ng Guinness sa paggawa ng sapatos upang maiwasang madiskuwalipika ang entry ng Pilipinas.
Nabatid na simula pa noong Agosto ay inumpisahan na ng grupo ang paggawa ng nasabing sapatos.
Umaasa ang grupo na masira nila ang record ni Zahit Okuriar ng Kenya na 2 taon na nitong hawak.
Base sa rekord ng GBWR, ang sapatos na ginawa ni Zahit na idinisplay sa Kenya International Shoe noong Pebrero ay sumusukat ng 3.12 metrong haba na siyang naitalang pinakamalaking sapatos sa kasaysayan ng mundo. (Ulat ni Joy Cantos)