Sa sketchy report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng hapon sa Weena bus terminal sa Poblacion, Kidapawan City.
Nakita umano ng mga saksi sa pangyayari na inihagis ng mga suspek ang isang improvised bomb at sumambulat sa grupo ng mga pasaherong nakaupo sa mga waiting bench na naghihintay ng mga bus na may biyahe patungong Davao City.
Dalawa katao ang dead-on-the-spot, habang ang anim ay namatay habang ginagamot sa ospital. Ilan sa 19 na sugatan ay mga bata.
Nakilala ang ilan sa mga nasawi na sina Romeo Mendoza, Renato Tuveria, Roy Makitid, isang alyas Noynoy at isang 9-taong-gulang na bata habang patuloy pang inaalam ang tatlo pa.
Dalawang bus na nakaparada ang nawasak din sa lakas ng pagsabog.
Pinangangambahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi dahil habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy umanong may isinusugod na mga sugatan sa mga ospital.
Ayon sa military investigators, sa tindi ng pagsabog at lawak ng pinsalang idinulot nito sa mga tao at ari-arian ay hindi isang handgrenade ang ginamit kundi isang bomba.
Isa rin sa tinitingnang motibo sa pagsalakay ang hindi umano pagbibigay ng revolutionary tax ng naturang kumpanya ng bus sa hinihinalang mga rebelde. (Ulat ni Danilo Garcia)