630 OFWs tatanggap ng P338-M

Ipinag-utos ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang pagbabayad ng $6.5 million o katumbas na P338 million sa 630 Pinoy workers na dineploy ng isang Pilipinong kontraktor at ng kanyang American partner sa bansang Algeria noong 1995.

Sa isang desisyon na ipinalabas ni NLRC labor arbiter Pablo Espiritu Jr., inoobliga nito ang EEI Corp. at Bechtel International Inc. na bayaran ang unexpired portion ng kontrata ng mga OFW kasama na ang hazard pay, mobilization pay, project allowance, Christmas bonus, vacation leave pay, public holiday pay at 10 percent escalation pati na ang attorney’s fees.

Sa kabuuang halaga, ang bawat OFW ay inaasahang tatanggap ng mula $7,000 (P364,000) hanggang $14,000 (P728,000).

Ayon sa abogado ng mga OFW na si Atty. Gerardo del Mundo, hindi ipinaalam ng dalawang kompanya sa mga manggagawa na papuntang Algeria na delikado ang kalagayan sa bansang kanilang tutunguhin.

Idinagdag pa ni del Mundo na 52 sa mga OFW ay iligal na dinismis sa trabaho matapos magreklamo sa kanilang kalagayan, at ang iba naman ay pinagtrabaho ng walang hazard pay.

Hindi naman pinaboran ng NLRC ang pagbabayad ng dalawang kompanya sa claim ng mga manggagawa sa unpaid salaries, sick leave pay, cost of living allowance at moral and exemplary damages dahil sa kakulangan ng ebidensiya. (Ulat ni Nestor Etolle)

Show comments