Ayon kay Barbers, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs, ang katulad ni Tan na nahulihan ng P700 milyong halaga ng shabu noong November 2001 ay dapat binigyan ng mahigpit na pagbabantay ng PDEA.
"Lahat ng paraan ay talagang gagawin ni Tan para makatakas dahil sa sobrang lakas ng ebidensiya laban sa kanya kung saan ay siguradong mapapatawan siya ng death penalty kaya dapat ay sobra-sobra din ang ginawang pagbabantay dito para huwag makatakas. Ngayong nakatakas o pinatakas ito ay dapat lamang na mag-isyu ang PDEA ng shoot-to-kill order laban sa pugante," wika pa ni Barbers.
Sinabi ni Sen. de Castro, malaki ang posibilidad na nagkaroon ng "bayaran" kaya nagawa ni Tan na makatakas sa kanyang selda at posibleng hindi ito nagdaan sa nilagareng rehas na bakal sa kanyang piitan kundi sa mismong pintuan ng PDEA detention center kung saan ay puro walang lock ito.
Siniguro din ni de Castro na gigisahin niya sa susunod na pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Barbers si PO3 Armando Ibasco matapos "sirain" nito ang mga ebidensiya na magbibigay ng lead kaugnay sa isasagawang imbestigasyon sa pagtakas ni Tan mula sa kanyang selda.
"Matagal na siyang pulis at alam dapat niya (Ibasco) ang mga standard operating procedures sa pagkuha ng mga ebidensiya at preservation nito pero sa halip na protektahan ang ginamit na lagareng bakal ni Tan at ang mismong rehas na nilagare nito ay hinawakan niya ito at dinala sa PNP crime laboratory para masiyasat kaya dapat lamang na gisahin siya sa susunod na hearing kung bakit niya ginawa ito," wika pa ni de Castro.
Kinasuhan ng kasong evasion through negligence sina P/Insp. Rolando Cana, duty officer of the day ng maganap ang pagpuga; SPO4 Pedro Doctolero; SPO3 Ruperto Galiguez; SPO3 Jesus Acuna; SPO2 Benjamin Agbulos; SPO1 Nelson Alcantara at PO3 Ibasco pawang miyembro ng PDEA Operational Support Service (OSS).
Nahaharap naman sa kasong administratibong serious neglect of duty ang mga senior officers na sina P/Supt. Donatilo Balabala, service director at P/Supt. Christopher Tambungan, assistant service director ng OSS.
Isinumite na rin ng PDEA ang resulta ng imbestigasyon ng pagtakas ni Tan kina Pangulong Arroyo at Sen. Barbers pero hindi pa naipalalabas ang resulta ng lie detector test na isinagawa ng PNP sa nabanggit na mga pulis.
Naniniwala naman si PDEA director general Anselmo Avenido Jr. na nasa bansa pa rin si Tan matapos makumpirma nila sa Bureau of Immigration na hindi pa ito nakalalabas ng bansa makaraang magpalabas ang korte ng hold departure order laban dito. (Ulat nina Rudy Andal/Danilo Garcia at Doris Franche)